PANIMULA
Minamahal na kapwa manonood ng telebisyon,
Marahil nanonood at kinagigiliwan ninyo, bata man kayo o matanda, ang panonood ng telebisyon sa pang araw-araw ninyong pamumuhay. Sino nga bang Pinoy ang hindi mahilig manood nito? Bibihira lamang. Sa kabataang babasa ng blogsite na ito, maligayang pagdating! Iniimbitahan namin kayong tuklasin ang mas malalim na implikasyon ng telebisyon sa inyong mga buhay, bukod sa pagbibigay-aliw sa araw-araw niyong panonood nito. Sa mga mas nakatatanda naman, ihinahain naming ang katanungang ito: Lubos na po ba ang inyong kaalaman sa telebisyon? Alam ba ninyo kung gaano kalaking papel ang ginagampanan nito sa paghubog at pagsasalamin n gating kultura? Sa inyong pagbabasa n gaming blog, nais naming may bago kayong matutunan tungkol sa telebisyon at sa kahalagahan nito.
Bago sumulyap muli sa telebisyon, isa pang katanungang ang muli naming ibabato sa inyo: Bukas ba ang inyong isip habang sumusubaybay kayo sa inyong mga paboritong programa? Tunay bang bukas ang inyong kaisipan sa kung ano talaga ang nilalaman at katuturan ng inyong mga pinapanood?
Kung oo ang inyong kasagutan, pinupuri namin kayo. Kung hindi naman, marahil itinakda ng tadhanang mapuntahan ninyo ang blog na ito, upang magkaroon kayo ng mas malalim na pagpapakahulugan sa inyong mga napapanood.
Dito pumapasok ang pamagat ng aming blog na Buksan. Hindi lamang tumutukoy ang Buksan sa literal na pagbukas ninyo ng telebisyon. Bagkus, tinatangka ng naming, sa pamamagitan ng blog na ito, na buksan ang inyong mga isip sa pagtuklas ng angking impluwensya ng telebisyon sa buhay nating mga Pilipino. Sa blog na ito, makikita ninyo na hindi lamang tayo ang nagbubukas ng telebisyon; binubuksan din ng telebisyon ating dunong, emosyon at ugali.
Hapong-hapo ka na bang buksan ang Buksan? Isang huling pasubalit, hindi lamang layunin nitong blog ang aliwin kayo (gamit ang mga tinatalakay at animasyon) kundi gawing mulat at kritikal kayo sa telebisyon. Sa totoo nga naman, hindi lamang salamin ng kasiyahan ang telebisyon, ngunit salamin ng nakapapanahong moda, kultura, tao, kapaligiran
At higit sa lahat, ng ating sarili.
Armando T. Miclat III at Patricia Alyanna E. Conlu
Mga Tagapatnugot